Tuesday, October 7, 2008

Larawan ng Makabagong Kabataan… Tungo sa Pag-unlad

Ang mga kabataan ng bansa, tulad ng sinabi ni Dr. Rizal ay pag-asa ng bayan. Samakatwid, dapt silang maging ulirang mamamayan ng bansa.

AKO AY LARAWAN NG MAKABAGONG KABATAANG PILIPINO. Sa aking murang ugat ay nananalaytay ang dugong bughaw—marangal, magiliw at mapagmahal sa Diyos. Sa aking diwa ay sariwang nakatala ang ginagawang pakikihamok ng mga nauna sa akin. Pakikihamok upang makamit ang layang hangad ng bawat bansang mapagmahal sa dangal ng lahi. Sa aking gunita ay naroroon ang hirap na tiniis ng maraming ina, nang ang kanilang mga mahal ay maghandog ng buhay matamo lamang ang ginhawang dapat na madama ng bayang nais na lumigaya. Sa aking puso ay naroroon ang pintig ng buhay…masigasig, taimtim, walang pagkukunwari…dalisay. Ang aking mga bisig ay matipuno at hasa sa pakikipaglaban lalo na sa mga dayuhang nais na yumurak sa banal na lupa ng aking bayan. Sa aking balat, nakatatak ang lupa…kayumanggi ang kulay, nasunog na araw ngunit may gintong kislap ng pag-asa. Ako ang nagtataglay sa aking katauhan ng tatak ng makabagong kabataang Pilipino.

Naparito ako upang gunitain ang nakaraan ng aking pagkatao.Kung paano ko narrating ang kinalalagyan ko ngayon na maituturing na pedestal ng karangalan. Kung papaano ko nalinang ang aking isipan na ang bayan ko’y mahalagang pook na tagpuan ng mga kaisipan. Kung paanong ako ay maituturing na biyaya ng makabagong panahon. Bakasin natin ang nakaraan.

Nagising ako sa sangmaliwanag sa bisig ng aking ina…kaalalay si ama. Sila ang nagbukas ng aking diwa.Ipinaisip nila sa akin na may liwanag sa bawat dilim na sumasaklaw sa ating bansa. Maaaring mapasulong ang hanging tila mabagal sa pag-ihip.Mapayayaman ang kalikasan…kalikasan na simula ng buhay.

Sa katauhan ni Ama- Binuhay niya sa isip ko na siya bilang ama ay namumuhunan ng pawis, dugo at buhay upang kaming mga supling niya ay magkaroon ng puwang sa daigdig. Natuto siyang magmahal sa Gawain. Nagbungkal siya ng lupa, nagpawis ng pagtitiis upang pagkatapos ay umani ng tagumpay para sa bayan. Napahalagahan niya nang buong husay ang tiktal ng orasan na naging titis ng pagbabagong- buhay tungo sa pag-unlad.

Sa katauhan ni Ina- Ginising niya sa puso ng kanyang mga hinlog ang pagmamahal sa Maykapal.Pinilit niyang maikintal sa diwa ng kanyang mga supling ang kahalagahan ng pagtitipid-pagtitipid di lamang ng panahon at oras kundi maging ng pagod na siyang puhunan ng bawat nilalang upang magtagumpay.

Sa katauhan ko bilang anak- Pumayag akong ang aking isip ay makikiisa sa bawat hakbang na simulan ang aking ama’t ina. Nakikiisa ako sa kanilang mga mithiin at pilit kong pinagaan ang bigat ng kanilang tungkulin bilang mga sugo ng Diyos. Hindi ako tumututol sa anuman nilang hangarin sapagkat alam kong ito ay para sa kapakanan ng aming angkan.

Ako ang kabataang Pilipino ay nakiisa upang mapabilang sa mag-anak na Pilipino. Hawak- kamay kaming bumangon upang tumulong sa tagumpay ng kinabukasan. Salamat sa pakikiisang ito at nagbagong –bihis ang Perlas ng Silangan.Salamat sa pakiisa ng puso sa puso at diwa sa diwa, ng mag-anak at ako ay nagging ganap na makabagong Pilipino na may dangal ng Silangan.

Ang aking pagparito ay di nawalan ng saysay. Lumiwanag sa aking isip ang nakaraan ng aking lahi. Nabatid ko kung paano natunton ng lahing kayumanggi ang landas tungo sa lalo pang tagumpay. Ang aking bayan, ang Perlas ng Silangan ay di maaaring alisin sa pedestal ng karangalan ng kanyang kinalalagyan. Ang aking Pilipinas ay laging makaiwas sa pagdarahop at kahirapan hanggang kami, ako, ang makabagong kabataang Pilipino ay naririto upng bantayan ang yamang ng ating bansa. Sa kalagayang ito…buong pagmamalaki kong isisigaw sa apat na sulok ng daigdig ….ako ang makabagong kabataang Pilipino… biyaya ng makabagong panahon.

No comments: