Tuesday, October 7, 2008

Bigkis ng Pagkakaisa

"Pagkakaisang-loob at pagkakaisang-isip ang dalawang lakas na magsisilbing sandata sa pagtatamo ng tunay na kalayaan at kaunlaran." Iyan ang pahayag na namutawi noon sa labi ng isa sa magigiting na bayani ng Pilipinas at matapang na lider ng mga Katipunero---si Andres Bonifacio.

Ika-6 ng Mayo, taong 2007, isang tali ng pagkakaisa ang tila humila sa mga paa ng maraming Pilipino upang magkatipun-tipon sa Auditorium ng National Commission on Culture and Arts (NCCA), Intramuros, Maynila. Ang pagtitipon ay dinaluhan hindi lamang ng m,ga kabataan kundi maging ng mga magulang at iba pang mamamayang nagmula sa Luzon, Visayas at Mindanao. Hindi lamang interes ang nagtulak sa kanila upang taluntunin ang lugar na iyon kundi maging ang udyok ng isipan at sigaw ng puso at damdaming maka-Pilipino. Batid nila ang kanilang kahalagahan bilang bahagi ng kaganapang iyon; kaganapang lubos na magpapabago sa maling pananaw ng ilang Pilipino, higit na magpapatibay ng tamang paninindigan at determinasyon ng maraming tao, at ang pinakamahalaga sa lahat, ito ang kaganapang lalong magpapalawig at magbubuhol ng tali ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.

Ngunit, hindi lamang ito ang nararapat na malaman ninyo. Kinakailangan ding masaksihan ng inyong malikhaing diwa and mahahalagang pangyayaring nakakubli sa nakamamanghang pintuang pinagdausan ng programang iyon. Marami ang dumalo. Ngunit kung tutuusin, kakaunti pa iyon kung ikukumpara sa kabuuang bilang ng mga Pilipino sa Pilipinas. Subalit, tunay na hindi ang bilang ng tao ang siyang mahalaga kundi ang diwa ng pagkakaisang binuo tungo sa pagpapatupad ng mga mithiin at adhikain ng kapilipinuhan. Sa pagsisimula ng palatuntunan, hindi nawala ang nakaaantig na himig ng ating pinakaiingatang pambansang awit at ang mataimtim na panalangin. Sinundan ito ng pambungad na mensahe ng pangulo ng organisasyong para sa mga Pilipino na si Capt. Nicanor Faeldon. Wala siya ng mga oras na iyon kung kaya't ang mga salitang nais niyang ikintal ay isinalaysay ng kanyang abogadang si Atty. Beatrix Angeles. Hinaplos ng pahayag na iyon ang aking pusong makabayan. Maraming aral ang tumimo sa aking isipan. Natutunan kong mahalagang malaman natin at maisakatuparan ang mga tungkulin natin sa ating bayan. Isa pa,hindi na tayo dapat pang umasa sa mga pangakong iginuguhit lamang sa tubig ng mga pulitiko at mga kandidatong nag-aasam na magtamo lamang ng kapangyarihan. Doon ko napatunayang wala silang sapat na kakayahan at katapatan upang lubos na maisip na unahin ang kapakanan ng kanilang kapwa-tao at sariling bayan. Kaya ang nararapat, tayo na ang kumilos at magpatupad ng iisang adhikain nating lahat; na balang araw ay masisilayan natin ang tunay na liwanag. Sa programang iyon, nagbigay rin ng parangal sa mga nagwagi sa idinaos na patimpalak sa pagsusulat. Nakakuha ang ilang mag-aaral sa kolehiyo ng gantimpala dahil sa kanilang mga natatanging akdang makatutulong sa paggising sa pambansang kamalayan ng maraming Pilipino. Sila ang mga kabataang magsisilbing tanglaw ng ibang tao tungo sa inaasam na tagumpay ng bayan. Katulad din nila ang mga kabataang nagmula pa sa ibang lugar na nagpakitang-gilas at nagbigay-kasiyahan sa mga taong naroroon. May ilang umawit at humataw sa pagsayaw. Lubos na nakagagalak ang mga tagpong iyon sapagkat ito ay nagpapakitang ang mga Pilipino ay likas na maraming maipagmamalaking talento. Iisa ang sinisiguro ko nang matapos ang palatuntunan: Ang umagang iyon ay naging isang makabuluhang yugto ng araw para sa pagmulat ng mga Pilipino sa katotohanan.

Alam ba ninyo kung sinu-sino ang nasa likod ng lahat ng ito? Ang masayang pagsasama-samang iyon ay pinasimulan ng mga natatanging tao; iyong mga kapwa natin Pilipinong hindi lamang humihiyaw kundi nagsasagawa rin ng mabubuting plano; mga kumakatok sa ating isipan at puso upang tayo ay makiisa sa kanilang grupo; higit sa lahat, sila ang mga mamamayang kabilang sa isang huwarang samahang binuo upang ang ating bansa ay makaranas ng mabuting pagbabago. Iyan ang organisasyong maka-Diyos, makabansa at makatao--- ang PILIPINO.

Batid ko ang lahat ng ito sapagkat ako ay bahagi ng PILIPINO. Ako ay saksi sa kung paano ito naging isang mabisang instrumento upang magising ang mga matang minsan nang naipinid ng mga mamamayan ng bansa ko. Ako ay naroon sa ginanap na palatuntunan. Pasumandali ko ring napagbulay-bulayan na ang samahang kinabibilangan ko ay marami pang magagawa upang magkaisa tayo. Ang palatuntunang iyon ay magiging isang inspirasyon. Sa susunod, maaaring magkaroon na rin ng maraming karagdagan. Ang isang dula-dulaang maaari ring ganapan ng mga kabataang ay hindi lamang isang paraan upang maipamalas ang husay nila sa pag-arte kundi lalo't higit upang mahipo nila ang mga pusong nakasara ng ilang Pilipinong manonood. Maaari ring magdaos pa ng ilang patimpalak gaya ng paligsahan sa pagtula, talumpati, sabayang pagbigkas, at maging ang mga awitin at sayaw na magpapagunita sa unti-unting nawawalang kultura. Ang mahahalagang kaganapang iyan ay maaari ring ipunin at ilathala sa isang simpleng pahayagan na pangungunahan ng samahang PILIPINO. Iyan ang mga ideyang maibabahagi ko...

Ngayon, sa tulong ng Poong Maykapal, sa mga simulain ng PILIPINO, at sa pagkakapit-bisig nating lahat, makakamit na natin ang kalayaan at kaunlaran sa pamamagitan ng dalawang sandatang sinasabi ni Bonifacio--- ang pagkakaisang-loob ang pagkakaisang-isip ng sambayanang Pilipino.

No comments: